BULACAN , Philippines — Nagwakas ang mga karahasang ikinakalat ng pitong rebeldeng New People’s Army makaraang mapatay sa pakikipagsagupaan sa tropa ng militar kahapon ng madaling-araw sa liblib na bahagi ng Sitio Talamsi 1, Brgy. Kalawakan sa bayan ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Ayon sa tagapagsalita ng Phil. Army na si Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., nakasagupa ng tropa ng Army’s 56th Infantry Battalion sa pamumuno ni 1st Lt. John Ian Galera ang grupo ng Sangay ng Partido sa Platun Bulacan na pina mumunuan ni Kumander Macmac.
Tumagal ng 30-minuto ang sagupaan sa nabanggit na barangay kung saan napatay si Kumander Macmac at anim iba pang rebelde.
Napilitan namang magsiatras ang iba pang rebelde matapos na mapatay ang kanilang lider habang wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa panig ng mga sundalo ng Phil. Army.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang limang M16 Armalite rifles, dalawang M14 rifles, isang M203 grenade launcher at ilang subersibong dokumento.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Army Special Operations Command Chief Major General Ireneo Espino ang malawakang hot pursuit operations laban sa grupo ng mga nagsitakas na communist rebels.
Kasalukuyang inaalam pa ang pagkikilanlan ng mga rebeldeng napatay.