BOCAUE, Bulacan, Philippines — Dalawang pinaniniwalaang big-time na illegal recruiter na nambibiktima ng mga naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa ang naaresto ng pulisya kasama ang mga kagawad ng barangay tanod sa isinagawang entraptment operation sa mismong bahay ng isang babaeng biktima sa isang lugar sa Brgy. Lolomboy sa bayang ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Ronald de Jesus ang mga biktima na isang 30-anyos na babaeng negosyante at isang 32-anyos na isang public school teacher na pawang mga residente ng Brgy.Lolomboy habang kasalukuyan namang nakapiit ang mga suspek na sina Jennyline Julian, 56, walang trabaho, tubong Iloilo City at Normita Naval, 43, walang trabaho, kapwa mga residente ng Brgy. Bunducan sa bayang ding ito.
Sinabi ng mga biktima na pinangakuan sila ng mga suspek ng trabaho sa Dubai, United Arab Emirates bilang isang sales representative o private tutor. Dahil sa tamis ng pananalita at pangakong uunlad ang pamumuhay ng mga biktima ay nagawang makapagbigay sa mga suspek ng halagang P43,500 na inutang pa nila sa iba’t ibang kaibigan.
Nagsimula ang kalbaryo ng dalawang biktima nang sabihan sila ng mga suspek na makakalipad na patungo sa Dubai noong Oktubre 1 at doon na lang ibibigay ang kanilang mga passport ngunit hindi ito natupad dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Tuwing kakausapin ng mga biktima ang mga suspek hinggil sa trabaho nila sa ibang bansa ay pawang mga pangako na lamang ang kanilang natatanggap hanggang sa muling humingi ng malaking halaga ang mga suspek at dito na nagduda ang mga biktima na nagbunsod upang ireklamo na sila sa pulisya. Boy Cruz