Padaca, naghain na ng mosyon sa Comelec
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Pormal nang naghain ng motion for reconsideration si Isabela Gov. Grace Padaca kaugnay sa naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapatalsik sa kanya sa puwesto para sa kanyang katunggali noong 2007 election na si ex-Governor Benjamin Dy.
Sa 800-pahinang motion ay inihain ng abogado ni Padaca na si Donna Lerona kamakalawa ng hapon sa Comelec central office sa Intramuros, Manila.
Nagbigay ng 5-araw na palugit ang Comelec sa kampo ni Padaca upang maghain ng motion matapos lumabas ang 12,000 pahina na desisyon ng Comelec pabor kay Dy.
Bagama’t inamin ng kampo ni Padaca na sadyang pinahirapan sila sa 12,000 pahinang desisyon ng Comelec ay nagawa pa rin nilang makapaghain ng motion sa loob lamang ng 5-araw.
Samantala, inaabangan naman bukas ng kampo ni Dy ang pasya ng Comelec para sa kanilang inihain na motion for the issuance of writ of execution sa naging desisyon ng 2nd Division.
Iginiit naman ni Padaca na ipaglalaban niya hanggang sa Supreme Court kung sakaling muling paboran ng Comelec ang kampo ni Dy. Victor Martin
- Latest
- Trending