Mayon sasabog na
MANILA, Philippines - Sinimulan na kahapon ng mga disaster official ang mass evacuation sa may 12,000 pamilya sa kabuuang 47,000 katao na naninirahan malapit sa paanan ng Mayon Volcano sa Albay makaraang itaas sa alert level 3 ang status ng bulkan na nakaambang sumabog anumang oras.
Sa ulat ng National Disaster Coordinating Council na pinamumunuan ni Raffy Alejandrino ng Civil Defense Region 5, inaasahang sa loob ng 72-oras o sa hanggang sa target na 3-araw ay matatapos na ang mass evacuation.
Nag-umpisa ang mass evacuation sa target na 11,981 (47,285 katao) umpisa kamakalawa ng gabi na nagpatuloy kahapon dakong alas-10 ng umaga sa tulong ng military vehicles na minobilisa ni Army’s 9th Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Ruperto Pabustan.
Nabatid na patuloy ang pagtaas ng magma sa bunganga ng bulkan na nagbubuga ng makapal na usok at pinangangambahan ang mapanganib nitong pagputok bagay na masusing mino-monitor.
Kabilang sa mga apektadong lugar na pinalilikas ang mga residente ay ang mga idineklarang nasasakupan ng 6-kilometer radius Permanent Danger Zone at 8 kilometer radius Expanded Danger Zone (EDZ).
Kabilang sa mga bayang apektado ay ang Daraga, Guinobatan, Camalig, Malilipot, Sto. Domingo, Legaspi City, Tabaco City at ang Ligao City.
Naitala rin ang 23 volcanic quakes sa Mayon kung saan tumaas ang ibinubugang sulfur gas mula 535 hanggang 757 tonelada na nairekord noong Lunes.
Samantala, ang ibinugang abo ng bulkan ay nakaapekto na rin sa bayan ng Guinobatan at pinaghahanda na rin ang nakaambang pagdaloy ng nagbabagang putik at bato.
Suspendido naman ang klase sa mga eskuwelahan na ginamit na evacuation centers sa Albay.
Ipinatupad din ang curfew sa mga lugar na nasa ilalim ng 8-kilometer radius Expanded Danger Zone. Ed Casulla, Joy Cantos at Angie dela Cruz
- Latest
- Trending