MANILA, Philippines - Umaabot sa 2,000 armadong civilian volunteers organization (CVO) ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan ang pumosisyon na sa palibot ng Maguindanao.
Umalerto naman ang militar at pulisya sa anumang banta na maaring isagawa ng mga private armed group ng Ampatuan clan na sinasabing sangkot sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 30 mediamen noong Nobyembre 23.
Aminado naman si Defense Secretary Norberto Gonzales na mas pinatindi nila ang paghahanda sa anumang magaganap na insidente kasunod ng pormal na paghahain ng kasong rebelyon ng pulisya sa Department of Justice laban sa angkan ng mga Ampatuan.
Sa panayam ng Defense Press Corps, inamin ni Gonzales na kahit hawak na ngayon ng pamahalaan ang mga sinasabing utak sa Maguindanao massacre ay lumikha ito ng panibagong problema.
Ang grupo ng CVO ay may kapabilidad na maghasik ng terorismo laban sa mga si bilyan sa Maguindanao.
“Alam mo pa ba ang kasalukuyang problema maliban sa nakuha natin ang utak? Aabot sa 2,000 puwersa nitong mga utak na ito ay nag-split sa 3 grupo at nakapaikot ngayon sa Maguindanao, hawak ang lahat ng malalakas na armas,” ani Gonzales.
Nabatid pa kay Gonzales na ‘tip of the iceberg’ lamang ang bulto ng mga mataas na kalibre ng baril at iba’t ibang uri ng bala na nakumpiska ng AFP at PNP.
Samantala, nagpakalat ng mga leaflet na ibinabagsak ng mga helicopter ng Philippine Air Force para pasukuin ang mga armado at mapanganib na mga Private Armed Groups ng angkan ng mga Ampatuan sa Maguindanao.
Ayon kay Col. Leo Ferrer, commander ng Army’s 601st Infantry Brigade, ang kahun-kahong leaflet ay ibinabagsak ng mga OV 10 bomber plane ng militar sa bahagi ng mga bayan ng Mamasapano, Rajah Buayan, Reina Regente kung saan namonitor ang presensya ng mga armadong kalalakihan
Sinabi ng opisyal na maaring hindi naman lahat ng mga militia group ng mga Ampatuan ay sangkot sa massacre at natatakot lamang lumantad dahilan ayaw ng mga itong maaresto at sumailalim sa proseso ng martial law.
Kaugnay nito, inihayag naman ni AFP- Public Affairs Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr. na patuloy na nakakatanggap ng surrender feelers ang AFP troops mula sa mga CVO’s.
Mga bakas ng dugo sa PNP vehicle nadiskubre
Narekober ng mga awtoridad ang isang PNP vehicle at isa pang sasakyan na pawang may mga bakas ng dugo na pinaniniwalaang may kinalaman sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23.
Ayon kay Army’s regional spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang, bandang alas-9:15 ng umaga nang narekober ng Army’s 601st Brigade ni Col. Leo Ferrer ang isang police vehicle at isang kulay puting Toyota Hi Lux (MDM 566) sa bisinidad ng Shariff Aguak, Maguindanao.
“Traces of bloodstains were noticed at the left portion (driver’s seat ) of the PNP vehicle,” pahayag ni Cabangbang.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung may kinalaman sa Maguindanao massacre ang narekober na PNP vehicle na may bakas ng natuyong dugo.
Ang Maguindanao ay naunang isinailalim sa state of emergency bago ideklara ang martial law upang mabawi ang lahat ng bultu-bultong malalakas na kalibre ng armas at mga bala mula sa maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan na itinuturong nasa likod ng massacre na kumitil ng 57-katao kabilang ang 30 mediamen.