MANILA, Philippines - Dinukot ng apat na mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf ang isang guro sa Indanan, Sulu, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Sitti Raima Manambula Hadail, guro sa Akuk Sangkula Elementary School.
Batay sa naantalang ulat ng Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao, naganap ang insidente may dalawang araw na ang nakalilipas sa pagitan ng Barangay Mangis at Panglima Misuari sa Indanan bandang alas-3:45 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, lulan ng kanilang service vehicle ang biktima kasama ang ilan pang mga guro nang harangin ng mga maskarado at armadong bandido.
Ang biktima ay tinutukan ng baril saka puwersahang kinaladkad ng mga kidnappers patungo sa kagubatan.
Nagsasagawa na ng malawakang pursuit operations ang pinagsanib na elemento ng pulisya at militar.