Batangas, Philippines— Hindi na umabot pa nang buhay sa ospital ang isang 38-anyos na balikbayan samantalang sugatan naman ang ina at kapatid nito matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Tanauan City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Senior Superintendent Jesus Gatchalian, Batangas police director, ang napatay na biktimang si Rogelio Awitan, residente ng Barangay Banadero.
Sugatan naman ang ina ni Rogelio na si Nemesia Awitan, 75, at kapatid nitong si Leonilo, 36 na ginagamot sa CP Reyes Hospital.
Ayon sa report, lulan ng Honda Civic ang mag-iina at binabagtas ang kahabaan ng highway sa may Barangay Natatas malapit sa exit toll gate ng Star Tollway nang tambangan ng mga armadong suspek na lulan ng isang motorsiklo bandang alas-3:30 ng hapon.
Napag-alamang kagagaling ng mag-iina sa banko sa Tanauan City para mag-fund transfer nang matiktikan ng mga suspek at agawan umano ng hindi pa malamang halaga ng pera at mga personal na gamit. (Arnell Ozaeta)