Mga motel pinasasara ng kaparian
LIPA CITY, Batangas, Philippines — Nagsagawa ng peaceful rally ang mga kaparian para tuligsain at pigilan ang patuloy na pagsulpot ng mga motel na nagiging ugat ng prostitusyon at imoralidad para sa mga kabataan sa Lipa City, Batangas.
Pinangunahan ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles kabilang na ang sampung pari ang isang misa sa harap mismo ng Lipa City Hall, upang himukin ang lokal na pamahalaan sa pagkakansela ng mga business permits ng mga motel na ginagawang front ng prostitution.
Ibinulgar din ni Arguelles na pawang mga estudyante ng mga kilalang eskwelahan ang nagiging prostitute na karaniwang nabibiktima at dinadala sa mga motel.
Nagbunsod ang protesta dahil sa planong paglipat ng New Paradise Motel mula sa Barangay Dagatan patungong Barangay Lodlod na ayaw naman tanggapin ng mga residente.
“Itatayo kasi sa Barangay Dagatan ang Lipa City Public College kaya nagreklamo ang mga estudyante at faculty doon dahil katabi nila mismo ang naturang motel,” ani Arguelles.
Ayon naman kay Atty. Glen Mendoza, Lipa City administrator, magsasagawa sila ng imbestigasyon at mga operasyon para masawata ang pagkalat ng mga pokpok sa mga motel.
“Hindi naman namin pwedeng basta ipasara ang mga motel na ‘yan dahil may mga lehitimo naman silang mga business permit”, ani Mendoza.
- Latest
- Trending