CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Tatlong miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang kumpirmadong nasawi matapos salpukin ng tourist bus ang motorsiklo ng una kahapon ng umaga sa bayan ng Bacoor, Cavite.
Kabilang sa mga nasawi ay ang magpinsang sina Jayrone Greg Perez Jimenez, 14; Lea Patricia San Miguel, 18; at ang drayber ng motorsiklo na si Jimboy Aguila, 22, na naunang iniulat na malubhang nasugatan at naisugod sa St. Dominic Hospital at pawang nakatira sa Family Village sa Barangay Panapaan 1, Bacoor.
Ayon sa police report, sakay ng motorsiklo ang tatlo at binabagtas ang Tirona Highway sa Barangay Habay 2 nang maganap ang trahedya bandang alas-5:45 ng umaga.
Sa salaysay ng mga saksi, ang mga biktima na sinasabing dadalo sana sa pagsamba, ay umobertake sa naunang jeep subalit nahagip ng kasalubong na tourist bus (TWY 153) sa kabilang linya.
Napag-alamang nakarehistro ang tourist bus sa pangalan ng Triple R & N Tours sa # 11 Hercules Street,Crest View Subd., Mayamot, Antipolo City, Rizal.
Sumuko naman sa pulisya at pormal na kakasuhan ang bus driver na si Cesar Guadalupe, 52, ng Block 23, Lot 67, Sterling Street, Brgy. Lores, Antipolo City, Rizal. Cristina Timbang , Arnell Ozaeta at Ed Amoroso