Kidnaper naglatag ng mga demand
MANILA, Philippines - Naglatag na ng demand ang mga kidnaper ng pitong kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kapalit ng kalayaan ng mga ito na binihag kamakalawa sa bisinidad ng Barangay Anticala, Butuan City, Agusan del Norte.
Kabilang sa mga demand ng grupo ay ang pagkansela sa Community-Based Forest Agreement na iniimplementa sa Sibagat area ng DENR, pag-award ng CADTI ( Certificate of Ancestral Domain Title ), pag-apruba sa customary farm at ang pagkansela sa operasyon ng Integrated Forest Management Agreement. Sa pahayag ni P/Chief Supt. Lino Calingasan na nagsasagawa na ng negosasyon ang mga lider ng lokal na simbahang Katoliko, DENR at PNP sa mga lider ng katutubo para sa agarang pagpapalaya sa mga binihag na kawani.
Napag-alamang mga notoryus illegal logger ang mga kidnaper ng pitong kawani na pinamumunuan ni Anot Behing ng Brgy. Kolambugan, Sibagat sa kanugnog na lalawigan ng Agusan del Sur.
Nabatid na tumawag na si Behing sa lokal na sangay ng DENR upang iparating ang kanilang demand. Kabilang sa mga bihag ay sina Forester Gabriel Arlan, Teufredo Pujadas, Emiliano Gatillo Jr., Rito Espenido, Rudy Clar, Efren Sabuero at si Eduardo Abugatal. Joy Cantos
- Latest
- Trending