Libu-libo nailigtas sa Cagayan Valley
NUEVA VIZCAYA , Philippines – Sinalanta man ni “Pepeng” ang Cagayan Valley partikular na ang Isabela at Cagayan ay labis pa rin ang pasasalamat ng mga residente matapos makaligtas sa tiyak na kapahamakan dahil sa isinagawang preemptive evacuation bago pa man dumating ang nasabing bagyo. Napag-alamang pinalikas ng mga awtoridad ang mga residente na naninirahan sa mga mabababang lugar bilang paghahanda sa pagdating ng super bagyong Pepeng.
Ayon kay P/Senior Supt Jimmy Rivera, Isabela police director, karamihan sa mga residente na madalas bahain tuwing tag-ulan ay kanilang pinalikas nang sapilitan matapos ianunsiyo ng Pagasa ang pagdating ni Pepeng upang maiwasan ang trahedyang sinapit ng mga biktima ng bagyong Ondoy sa central Luzon. “Talagang marami sa mga residente ang tumutol na lumikas kahit sinabi ng Pagasa na dito sa northern Luzon ang mata ng bagyo subalit, pinilit namin ang mga ito kaysa naman sisisihin kami sa bandang huli,” pahayag ni Rivera. “The preemptive evacuation has indeed proven to be an effective tool in minimizing unnecessary loss of lives. As a result, only two persons in Tuguegarao City were reported injured due to Typhoon Pepeng,” pahayag naman ni P/Chief Supt. Roberto Damian, Cagayan Valley police regional director. Victor Martin
- Latest
- Trending