RIZAL, Philippines – Tinatayang aabot sa P2 milyong pekeng produkto ng Casio ang nasamsam ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa Pasay City at Tanay, Rizal kamakalawa.
Sa sampung search warrant na ipinalabas ni Judge Ofelia Arellano Marquez ng Quezon City Regional Trial Court Branch 216, ni-raid ng NBI ang limang tindahan sa Pasay City at Tanay na nagbebena ng pekeng Casio electronic calculator.
Ayon kay Atty. Philip Pineda, legal counsel ng Casio Phils., ang mga may-ari ng tindahan na nagpapakalat ng pekeng produkto ng Casio ay kakasuhan sa ilalim ng Trademark Infringement and Unfair Competition.
Kabilang sa mga sinalakay na establisamento na sinasabing nagbebenta ng pekeng produkto ng Casio ay ang Omni Source Merchandising, Celtabs General Merchandising, dalawang bodega sa Pasay City at ang Tanay Power Home Commercial.
Napag-alamang aabot sa 1,665 piraso ng mga pekeng Casio ang nasamsam mula sa limang tindahan kung saan nagbabala ang Casio Computer Co., Ltd na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa mga nagbebena ng pekeng electronic and scientific calculator sa buong bansa.