56-pamilya nagsilikas dahil sa giyera ng NPA vs AFP
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Umaabot sa 56 pamilya ang iniulat na nagsilikas para di madamay sa panibagong pagsiklab ng giyera sa pagitan ng tropa ng militar at rebeldeng New People’s Army sa bisinidad ng Sitio Lahak, Barangay Sinapulan sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat kahapon ng umaga.
Ito ang nabatid na ulat ni P/Chief Supt. Felicisimo Khu, deputy director for administration ng PNP-Region 12, kung saan nakasagupa ng tropa ng 27th IB ang pangkat ni Noel Legazpi alyas kumander Bobo ng Front 76 ng Mindanao Regional Guerilla Unit ng NPA.
Wala pang impormasyon na nagkukumpirmang may napatay na sa magkabilang panig dahil sa patuloy ang bakbakan, ayon pa sa ulat.
Agad na inilikas ang mga apektado ng bakbakan, na karamihan ay mga katutubong B’laan.
Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at local na sangay ng Social Welfare and Development Office para sa relief distribution sa mga apektadong pamilya. Malu Manar
- Latest
- Trending