MANILA, Philippines – Pinangangambahan ang pagdanak ng dugo at ubusan ng lahi sa pagitan ng mga kamag-anak ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at ng nakalaban nitong grupo matapos ang shootout noong Linggo ng gabi sa bayan ng Imus, Cavite na kumitil ng buhay ng 6-katao.
Inalerto na ang mga operatiba ng pulisya upang pigilan ang posible pang pagbabanggaan ng magkalabang pamilya.
Sa simpleng alitan sa trapiko ay napaslang ang tatlong kamag-anak ni Senador Revilla na sina Raffy Bautista, Ritchie Allen Bautista, Raul Bautista at ang driver na si Michael Salanguit habang dalawa naman mula sa grupo ng mga Sultan na kanilang nakalaban na sina Mahmod Sultan at Sowaid Salie.
Samantala, naglatag ng mga checkpoint upang kumpiskahin ang mga loose firearms at ng maiwasang maulit pa ang insidente.
Ipinag-utos na ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Director Raul Castañeda, ang malawakang crackdown sa mga loose firearm sa Cavite.
Isinailalim na sa kustodya ng PNP Firearms and Explosives Division ang mga baril na nasamsam sa crime scene. - Joy Cantos