Pusher tiklo
KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City, Philippines – Nadakip kahapon ng pulisya sina Aramis Devin Crisostomo, 24 anyos, binata; at Erickson Lorete, 20, tricycle driver, makaraang maaktuang nagbebenta ng marijuana sa mga estudyante sa Taal National High School sa Barangay Taal, Plaridel, Bulacan. Nakumpiska sa mga suspek ang isang brick ng marijuana na nagkakahalaga ng P3,839, ilang piraso ng naka-paketeng marijuana, dalawang cell phone, P1,470 kita ng mga ito at isang Yamaha motorsiklo na walang plaka na ginagamit sa iligal na transaksyon. (Boy Cruz)
Kaanak ni Roco pinatay
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Isang negosyante na pamangkin ni dating Senador Raul Roco ang pinagbabaril hanggang mapatay ng hindi pa nakikilalang salarin habang nagdi-jogging siya kasama ng kanyang asawa sa Balatas Road sa harapan ng Basilica Church, Barangay Balatas, Naga City kamakalawa ng umaga. Kinilala ang biktima na si Pablo Roco, 44, residente ng Parkview Village, San Felipe ng naturang lunsod. Sinisiyasat pa ng pulisya ang insidente. (Ed Casulla)
Banko hinoldap
ANGAT, Bulacan, Philippines – Hinoldap ng may limang di nakilalang lalaki ang Cooperative Rural Bank of Bulacan na nasa Barangay San Roque sa bayang ito kahapon ng umaga. Umaabot sa P4 na milyon ang natangay ng nakatakas na mga holdaper. (Boy Cruz)
Karne ng aso nasabat
MANILA, Philippines - Nasabat ng mga operatiba ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang 250 kilo ng karne ng aso sa Kennon Road habang ibinibiyahe ito patungong Baguio City kamakalawa. Ayon kay HPG-Cordillera Chief, Sr. Supt. Romeo Cachola Ver, nagsasagawa ng operasyon ang kanyang mga tauhan laban sa hijacking, colorum at carnapping nang maharang ang Mitsubishi L300 van na may plakang TET 514 dahil sa hindi pagsusuot ng seatbelt ng driver. Nang inspeksyunin ang sasakyan, nadiskubre ng mga awtoridad ang limang sako ng kinatay na aso na nagmula pa sa Laguna. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending