4 na-engkanto sa ilog, dedo

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Apat-katao na sinasabing na-engkanto ang kumpirmadong nasawi makaraang tangayin ng malakas na agos ang kanilang sinasakyang Pajero sa bayan ng Mauban, Quezon, kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Renato Bolado Dy, 55; Vic Raymond Pastrana Rojo, 43; Godofredo Calusin Tampoc, 59; at si Merhan Remolona Almiranez, 41, pawang residente ng Mauban.

Ayon kay P/Chief Insp. Rancer Evasco, hepe ng Mauban PNP, tumatawid ang mga biktimang lulan ng Mitsubishi Pajero na may plakang XJM 825 sa ilog na sakop ng Barangay San Rafael nang biglang tumaas ang tubig.

Tinangay ng malakas na agos ng tubig sa nasabing ilog ang Pajero kaya hindi kaagad nakalabas ang mga biktima.

Nakaligtas naman ang tatlong iba pang sakay ng Pajero na sina Menandro Alpuerto Valiente, Tobias Remolona Manaog,  at si Eduardo Almajar Macayan.

Napag-alamang dumalo ang grupo  sa birthday party at habang papauwi ay binagtas ang mababaw na ilog kung saan, sa hindi malamang dahilan ay biglang tumaas ang tubig na nagmula sa kabundukan ng Siera Madre, Laguna. (Arnell Ozaeta at Joy Cantos)


Show comments