MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Animnapung ulit na habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng korte laban sa isang obrero na napatunayang humalay sa kanyang anak na babae simula Mayo 1998 hanggang Peb 2003 sa Barangay Sapang Palay, San Jose Del Monte City, Bulacan.
Sa 27-pahinang desisyon ni Judge Andres Soriano ng Malolos City Regional Trial Court Branch 13, bukod sa 60 beses na habambuhay na kulong ay pinagbabayad din ang akusadong si Rodolfo Tulagan y Patayan ng P150,000 sa bawat kaso.
Base sa record ng korte, sinimulang halayin ang biktima sa loob ng kanilang bahay sa nabanggit na barangay noong Mayo 10, 1998 hanggang Pebrero 11, 2003.
Binalewala naman ng korte ang alibay ng akusado bagkus binigyan ng timbang ang testimonya ng biktima kung saan pinatotohanan ng ulat mula sa National Bureau of Investigation na may naganap na panghahalay.
Wala naman maipakitang ebidensya ang akusado para pabulaanan ang akusasyon ng kanyang anak kaya nagdesisyon ang korte na hatulan kung saan umabot sa 60 kaso ng rape.
Hindi naman kaagad naipagbigay-alam ng biktima sa ki nauukulan ang insidente dahil sa pagbabanta ng kanyang ama.
Nakakuha naman ng tiyempo ang biktima na maisiwalat ang insidente sa kanyang ina matapos umalis at mamasukan ang kanyang ama sa ibang bayan. - Boy Cruz