MANILA, Philippines – Isa sa umano’y mga suspek sa pagdukot, pagpatay at panggagahasa sa isang titser na anak ng isang lider ng New People’s Army ang pinagbabaril hanggang mapaslang ng mga hinihinalang miyembro ng hit squad ng NPA sa J.P. Laurel, Davao del Norte nitong Linggo.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Ruben Bitang, empleyado ng City Environment and Natural Resources at residente ng Panabo City sa naturang lalawigan.
Sinabi ng NPA-Southern Mindanao Regional Committee sa pamamagitan ng ipinalabas nitong pahayag na si Bitang ang driver umano ng van na ginamit ng mga suspek sa pagdukot at pagpaslang kay Rebelyn Pitao sa Davao City noong Marso 5.
Ang biktima ay anak ni Leoncio Pitao alyas Kumander Parago na isa sa mga lider ng NPA sa Mindanao.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Dennis Persigas ng Panabo City Police Station, pauwi na si Bitang sa tahanan nito nang pagbabarilin at mapatay noong gabi ng Mayo 3 sa Purok Cogon 3, Brgy. J.P. Laurel.
Ang mga suspect ay lulan umano ng asul at dilaw na Honda XRM nang sumulpot sa lugar at pagbabarilin ang biktima na agad binawian ng buhay sa tinamong mga tama ng bala ng cal. 45 pistol.
Inako ni Ka Simon Santiago, Regional Political Officer ng NPA-SMRC ang pagpaslang kay Bitang.