Mister sinunog ang sarili
LEGAZPI CITY, Philippines – Nagpasalubong mismo kay kamatayan ang isang 50-anyos na mister makaraang sinilaban ang sarili dahil sa pagkabigo sa pag-ibig sa nililigawang biyuda kamakalawa ng gabi sa Barangay Binanuahan sa Ligao City, Albay.
Kinilala ng pulisya ang nag-suicide na si Emmanuel Allorde ng Barangay Gilid sa nabanggit na lungsod.
Samantala, nakilala naman ang niligawan ni Allorde na si Emie Garcia, 49, biyuda at principal sa Bonga Elementary School sa nasabing barangay.
Base sa police report na nakarating sa Camp Simeon Ola, lumilitaw na nagtungo sa tahanan ni Garcia si Allorde na may bitbit na galon ng gasolina at nagsisigaw sa galit kung saan nagpumilit na pumasok sa garahe ng biyuda.
Nang makapasok ay binuhusan ng gasolina ang nakaparadang owner-type jeep (EBE 112) ng biyuda saka sinilaban.
Kasunod nito, ay binuhusan din ni Allorde ang sarili ng gasolina saka sinilaban.
Dito na namataan ng biyuda, si Allorde na nagliliyab ang buong katawan habang tumatakbo papasok ng kanilang compound.
Kaagad naman nakaresponde ang pulisya kung saan naabutang naglililiyab ang katawan ni Allorde at ang jeep sa compound ng biyuda.
Nabatid sa inisyal na ulat ng pulisya, na si Allorde ay matagal nang nanliligaw sa biyuda subalit nabasted kaya pinaniniwalaang nagkimkim ng galit at isinagawa ang krimen.
- Latest
- Trending