LEGAZPI CITY, Albay , Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng isa sa dalawang pangunahing suspek sa pagpatay sa tiyahin ni 2009 Bb. Pilipinas International Melody Gersbach makaraang maaresto ng mga awtoridad sa Barangay San Andres, sa bayan ng Sto. Domingo, Albay noong Huwebes ng gabi. Sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Cristian Balitian, 27, ex-security guard ng Chick In Bar and Restaurant na pag-aari ng biktimang si Maridel Antonette Gonzales, presidente ng Rotary Club at naninirahan sa Clarence Street, Ridgeview Subd., Brgy. Buraguis. Ayon kay P/Supt. Edgardo Ardales, ang suspek ay sinasabing sinibak sa trabaho ng biktima dahil sa iregularidad. Tugis namang pulisya ang isa pang suspek na tumayong drayber ng motorsiklo na ginamit sa krimen. Ed Casulla Farm ng bise gob. pinasabog
Malagim na birthday party ang sumalubong sa farm na pag-aari ng bise gobernador matapos pasabugin ng ‘di-pa kilalang lalaki na ikinasawi ng isang sibilyan habang walong iba pa ang malubhang nasugatan kabilang ang limang bata noong Biyernes sa Brgy. Lumuyon sa bayan ng KIamba, Sarangani. Kinilala ni P/Chief Inspector Alex Sarabia, regional police spokesman, ang nasawi na si Rammel Suloy, 18, samantalang sugatan naman sina Fermin Suloy, Benjamin Suloy, Robert Suloy, John Suloy, Joemar Suloy, 7; Eboy Suloy, 3 ; Mylene Suloy, 5; Gig Pandin, 14 at si Ricky Benitez, 15. Base sa imbestigasyon, sumabog ang granada sa tahanan ni Fermin Suloy sa Purok Daisy, kung saan nasa loob ng farm ni Sarangani Vice Governor Steve Chiongbian Solon. Ayon sa ilang testigo, nagkakasiyahan, nag-iinuman at naglalaro ng baraha ang mga biktima nang biglang umalulong ang kanilang mga alagang aso at kasunod nito ay ang malakas na pagsabog. Joy Cantos
Lolo namatay sa motel
LEGAZPI CITY — Isang 70-anyos na lolo at sinasabing retiradong kawani ng pamahalaang ospital ang iniulat na nasawi sa loob ng motel habang kasama nito ang isang babae noong Huwebes ng hapon sa Barangay 10, Legazpi City, Albay. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Antonio Magayanes na dating kawani ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital at residente ng Purok 3, Barangay Pandan sa bayan ng Daraga, Albay. Base sa police report, lumitaw na kasama ng biktima si Maria Eva Llanera nang mag-check-in sa Litas Lodging House. Sa salaysay ni Llanera sa pulisya, lumilitaw na minamasahe niya ang biktima nang bigla na lamang mahirapan itong huminga at bumagsak sa sahig sa loob ng kuwarto. Naisugod pa sa ospital ang biktima subalit idineklara na itong patay. Ed Casulla