Missing plane, walang balita
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Matapos ang anim na araw na paghahanap ng mga search and rescue team ay nananatiling bigo pa ring makita ang nawawalang eroplano na unang tinukoy na maaaring nasa kagubatan ng Maconacon, Isabela.
Ayon kay P/Chief Supt. Roberto Damian, Cagayan Valley police regional director, masamang panahon pa rin ang pangunahing dahilan kung bakit nahihirapan ang mga rescue team na pasukin ang kagubatan ng Sierra Madre na pinaniniwalaang binagsakan ng eroplano.
Magugunita na noong Huwebes ng umaga nang mag-takeoff mula Tuguegarao Airport ang Chemrad plane (with tail No. RP-C764) lulan ang pitong pasahero na sina Capt. Tomas Z. Yañez at co-pilot na si Capt. Ranier Ruiz, SPO2 Rolly Castanos, Celestino Salacup, Abelardo Baggay, Joel Basilio at James Bakilan patungo sa Maconacon, Isabela.
Subalit hindi na nakalapag ang nasabing eroplano sa kanilang destinasyon.
Bukod sa mga rescue sa himpapawid ay patuloy pa rin ang pagpapadala ni Maconacon Mayor Candido Talosig ng mga tauhan sa pangunguna ng kanyang anak upang suyurin ang kagubatan na binagsakan ng eroplano.
Ngayon ay lalong dinagdagan ang puwersa ng mga rescue na gumagalugad sa kagubatan kabilang na ang mga kamag-anak ng mga nawawalang pasahero matapos mabigong makita ng mga rescue sa aerial ang nawawalang eroplano dahil sa patuloy na sama ng panahon.Victor Martin at Joy Cantos
- Latest
- Trending