Pamilya minasaker
MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng isang pamilya ang nasawi habang pinaniniwalaan namang iniligtas ng kanilang anghel dela guwardiya ang isang pitong buwang sanggol at kapatid nitong paslit matapos na pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa Barangay 14 Ester, Vintar, Ilocos Norte kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Ilocos Norte Police Officer–in-Charge Sr. Supt. Benjamin Lusad ang mga biktima na sina Amador Castro, asawa nitong si Marciana, at anak nilang sina Mercy at Reymalin.
Ikinulong naman ng mga suspect sa isa pang kuwarto ang dalawa pang bata na isang anim na taong gulang at pitong buwang sanggol na anak ni Marciana na kapwa nakaligtas sa insidente.
Sinabi ni Lusad sa isang panayam sa telepono na nadiskubre ang krimen dakong alas-6:00 ng umaga kahapon matapos na mag-usyoso ang mga kapitbahay ng mag-asawa sa kanilang tahanan.
Ayon kay Lusad, nasa kalaliman na ng gabi habang mahimbing na natutulog ang mga kapitbahay ng mag-asawa nang makarinig ang mga ito ng sunud-sunod na putok ng baril na nanggaling sa tahanan ng mga biktima.
Kinabukasan ay agad na sinilip ng mga kapitbahay ng mag-asawa ang tahanan ng mga ito at dito na unang bumungad ang bangkay ni Amador na nakagapos pa ang dalawang kamay at may plaster pa ang bunganga.
Natagpuan namang tadtad ng tama ng bala ang mag-iinang sina Marciana, Mercy at Reymalin sa loob ng isang kuwarto sa kanilang bahay.
Nakuha ng mga nagrespondeng awtoridad ang isang cal . 22 at 9 MM pistol na siyang ginamit sa krimen.
Kinumpirma ni Lusad na naaresto na nila ang isa sa mga suspek na tumanggi muna nitong kilalanin upang hindi mabulilyaso ang kanilang dragnet operation laban sa iba pang salarin.
- Latest
- Trending