3 bihag na parak pinalaya ng NPA
MANILA, Philippines - Pinalaya na kahapon ng New People’s Army ang tatlong pulis na dinukot nila sa Rodriguez, Rizal noong Enero ng taong ito.
Bandang tanghali ng ipasa ng NPA sa International Committee of the Red Cross ang mga biktimang sina Insp. Rex Cuntapay, PO1 Alberto Umali at PO1 Marvin Agasen sa isang bulubunduking bahagi ng Rodriguez.
Tumagal nang isang buwan ang pakikipagnegosasyon ni Rizal Governor Casimiro Ynarez sa mga rebelde bago napalaya ang mga biktima.
Ang nasabing mga pulis ay tatlong buwang namalagi sa kamay ng NPA sa ilalim ng Narciso Antazo Aramil Command na nakabase sa Rizal simula nang dukutin sila ng mga rebelde sa pakikipag-engkuwentro ng mga ito sa pulisya noong January 03, 2009 sa Sitio Calumpit, Brgy. Macabud, Rodriguez.
Ang tatlong pulis ay nasa pangangalaga ngayon ng tanggapan ng Rizal provincial capitol kasama ang kanilang mga pamilya kung saan isasailalim ang mga ito sa medical check up at debriefing.
- Latest
- Trending