RIZAL, Philippines – Isang professor ng La Salle University-Antipolo ang pinatay sa sakal ng dalawang ‘di-pa kilalang kalalakihan makaraang matagpuan ang bangkay nito sa madamong bahagi ng Brg.y Silangan sa bayan ng San Mateo, Rizal kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Supt. Ronaldo Mendoza, chief of police, nakasuot lamang ng brief at sirang polo shirts nang matagpuan ang bangkay ni Vincent Jan Rubio, 28, professor ng La Salle University at naninirahan sa #41 Marietta Street, Romeo Village, Pasig City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ganap na alas-6:30 ng umaga nang nadiskubre ng mga barangay tanod ang katawan ni Rubio sa madamong bisinidad ng Paz Street, kanto ng Simon St., Phase-4, Montery Hills sa nabanggit na barangay.
Napag-alaman sa dalawang barangay tanod na sina Andres San tileces 41, at Gary Dave, 28, isang kotseng Mitsubishi Lancer (WEG-346) na sakay ng dalawang kalalakihan ang nakita nilang nakahinto dakong alas-10 ng gabi.
Sinita ng mga brgy. tanod ang dalawa kung saan sinabihan silang naubusan lamang sila ng gasolina kung kaya napahinto, bago nagpaalam na bibili lamang ng gasolina at iniwan ang kotse.
Subalit makalipas ang ilang oras ay hindi na bumalik ang dalawang lalaki hanggang sa matagpuan ang bangkay ng biktima.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, basag ang kaliwang bahagi ng salamin ng kotse at nagkalat din ang wallet na walang lamang pera at iba pang dokumento sa loob nito. Ricky Tulipat