TRECE MARTIRES CITY, Cavite, Philippines – Nakatakdang idaos bukas ang huling State of Provincial Address (SOPA) ni Cavite Gov. Ayong S. Maliksi na gaganapin sa Provincial Gymnasium na naglalayong magpahayag ng mga kaganapan sa pamahalaang panlalawigan sa nakalipas na taon at ang mga nakatakdang programa sa kanyang huling termino bilang ama ng lalawigan kung saan “Gov. Ayong Maliksi… Kabitenyo… Rebolusyunaryo” ang tema ng pagdiriwang.
Sa darating na pagtitipon, nakatakdang tumanggap ang 350-katao na nawalan ng hanapbuhay ng P3.5 milyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay Para sa Disadvantaged Workers (TUPAD) Program dahil sa pakikipag-ugnayan sa naturang ahensya.
Nakatakda ring magbigay ang gobernador ng 100 titulo ng lupa sa mga magsasaka ng iba’t ibang munisipalidad partikular sa bayan ng Amadeo.
Samantala, upang mas lalong maging makasaysayan ang pagtitipon ilan sa mga programa ni Gov. Maliksi ang pasisinayahan kabilang ang paglulunsad sa bagong awitin ng Cavite brand, inagurasyon ng Cavite Investment Promotion Center (CIPC), pagpapasinaya ng Ancillary Building at inagurasyon ng bagong gawang OB Gyne Ward sa charity wing ng Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital.
Ipakikita naman ng mga Kabitenyo ang kanilang pagmamahal sa gobernador sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga presentasyon bilang pagbati sa kanyang kaarawan.