MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines —Binuo na ng pulisya ang Task Force Amil para mapadali ang pagresolba ng kasong pananambang sa limang-katao kabilang na ang isang negosyanteng Tsinoy sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa Barangay Tabe sa Guiguinto, Bulacan. Ayon kay P/Senior Supt. Allen Bantolo, kabilang sa miyembro ng task force na pinamumunuan ni P/Chief Inspector Julius Ceasar Mana, hepe ng Criminal Investigation and Detection Team ay ang Bulacan Crime Laboratory, Provincial Intelligence Branch ng Bulacan PNP, at ng pulis- Guiguinto.
Nasugatan sa nasabing pananambang ang sakay ng Ford Expedition na sina Alfamil “Amil” Yap, Andrea Sevilla, Elizabeth Mercadero, Angelo Kent at si Alwina Sevilla.
Gayon pa man, kabilang sa mga dokumentong nirerebisa ng pulisya na nakuha sa loob ng sasakyan ng mga biktima ay ang papeles mula sa korte na nagsasabing kinasuhan ang isang opisyal ng Bureau of Customs at Department of Finance. (Dino Balabo)