GUIGUINTO, Bulacan , Philippines – Lima-katao kabilang ang isang negosyanteng Tsinoy at dalawang bata ang iniulat na malubhang nasu gatan sa naganap na pananambang ng mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng spur road ng North Luzon Expressway sa Brgy. Tabe, Guiguinto, Bulacan kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga biktimang sugatan ay nakilalang sina Alfamil Yap, 40, may ari ng Metallica Club sa Quezon City; asawang si Andrea Sevilla, 34; mga anak na sina Angelo Kent, 6; at Alwina, 4; at biyenan na si Elizabeth Mercadero, na pawang residente ng Bagong Silang, Caloocan City, at sa Malolos City.
Hindi naman nasaktan si Eco Mercadero, 24, bayaw at alalay ni Yap na nakaganti ng putok sa mga suspek na lulan ng kulay asul na Toyota Altis.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok ang mga biktima sa Tabang Toll Plaza mula sa kanilang bahay sa Malolos City at patungo sana sa kanilang tahanan sa Caloocan City, sakay ng puting Ford Expedition na may plakang VOU-888.
Subalit dalawang kilometro pa lamang sa loob ng spur road ng NLEx sa Brgy. Tabe, ay pinaulanan sila ng bala ng mga suspek na sakay ng nasabing kotse.
“Pagdating namin sa ilalim ng tulay ng Tabe, pinutukan na kami mula sa likod kaya pinadapa ko agad ang mga kasama ko,” ani Mercadero.
Dahil sa sunud-sunod na putok, nagkabutas-butas ang mga salamin ng Ford Expedition at nasugatan ang mga biktima, partikular na si Yap.
Ayon kay Mercadero, gumanti siya ng putok sa mga suspek at nakaubos siya ng dalawang magazine.
“Kung hindi siguro ako gumanti, baka hinintuan pa kami at tinuluyan,” aniya.
Ayon kay P/Senior Supt. Allen Bantolo, police provincial director ng Bulacan na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa kaso.
Matatandaan na isang negosyante rin ang pinagbabaril sa kahabaan ng NLEx sa Plaridel, at tinangkang holdapin ng isang grupo ang gasolinahan sa kahabaan din ng NLEx sa Bayan ng Balagtas noong 2008
Samantala, sinabi naman ni P/Supt. Aurelio Ducay, hepe ng pulisya sa bayan ng Guiguinto na malaki ang posibilidad na matukoy agad ang mga suspek dahil sa may mga close circuit television sa bawat exit at toll plaza ng NLEx.
Sinabi pa niya na nakatanggap na sila ng ulat na may sasakyang dumaan sa Bocaue toll plaza ilang minuto matapos ang insidente. (Dino Balabo)