KIDAPAWAN CITY , Philippines — Pagkatapos ng halos 9-araw na pagkawala na pinaniniwalaang dinukot ng mga di-kilalang kalalakihan, natagpuan din ang mga bangkay ng mag-asawang magsasaka na ibinaon sa mababaw na hukay sa hangganan ng mga Barangay Polomolok at Bunawan sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat kahapon. Kinilala ni Columbio Vice Mayor Amir Musali, ang mag-asawang Celso at Pacia Biduya na kapwa naninirahan sa Barangay Sinkatulan sa bayan ng Makilala sa North Cotabato.
Nakagapos pa ang mga paa ng babae na kapwa tadtad ng bala ng baril nang madiskubre sa mababaw na hukay. Base sa police report, isa umanong nagngangalang Abdul ang huling nakausap ni Celso sa kanyang celfon kaugnay sa lupain sa bayan ng Columbio,
Noon pang Marso 2 umalis ang mag-asawang Biduya sa Barangay Sinkatulan sa bayan ng Makilala at ‘di-na muling nakita.
Ayon sa pulisya, dating amasona ng NPA si Pacia samantalang dating Cafgu naman si Celso. Blanko pa rin ang pulisya sa naganap na pamamaslang sa mag-asawa na may naiwang tatlong anak. Malu Manar