3 mag-uutol nilamon ng apoy
CEBU – Magkakasabay na kinarit ni kamatayan ang tatlong magkakapatid makaraang makulong sa kanilang bahay na nasunog kamakalawa ng gabi sa Barangay Babag II, Lapu-Lapu City, Cebu.
Ayon kay P/Senior Supt. Mariano Natuel, natagpuang magkakayakap pa at nagmistulang mga uling ang katawan ng mag-uutol na sina Yenchelle Sanchez, 10; Yenche Marie Sanchez, 8; at si Mike John Sanchez, 5, na pawang anak ng mag-asawang Michael at Jocelyn Sanchez.
Ayon kay Chief Inspector Ricardo Cornello, city fire marshall ng Lapu-Lapu City Bureau of Fire Protection (BFP), semi-concrete ang tahanan ng pamilya Sanchez na napapalibutan ng rehas na bakal ang mga bintana at pintuan.
Napag-alaman mula kay F/Chief Insp. Cornello na naiwan sa bahay ang tatlong bata habang kapwa namamasada ng pampasaherong jeepney ang mag-asawang Sanchez kung saan, ang ama ay drayber habang kondoktor naman ang ina.
Sa pahayag ng mga kapitbahay at kamag-anak ng mga biktima, sumigaw pa ang nag-iiyakang magkakapatid subalit hindi naman mabuksan ang pintuan ng bahay dahil naka-padlock at may grills pa ang mga bintana.
Lumilitaw naman sa pagsisiyasat na ang natumbang kandila ang pinagmulan ng sunog dahil naputulan ng linya ng kuryente ang pamilya Sanchez.
Sising alipin naman ang pabayang mag-asawa nang madatnan ang naabo nilang tahanan habang naitala naman sa P60,000 ang pinsala sa sunog. (Edwin Ian Melecio at Joy Cantos)
- Latest
- Trending