Abu kumana: 2 pa kinidnap
Isa na namang kaso ng kidnapping-for-ransom sa Western Mindanao ang bumulaga sa mga awtoridad makaraang bihagin ang dalawang kawani ng lending firm ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang grupo ng bandidong Abu Sayyaf sa bayan ng Sumisip, Basilan noong Martes ng gabi.
Kabilang sa mga biktimang dinukot ay sina Lea Patris at Ammad Salih na kapwa kawani ng KFI Lending Co. sa Barangay Limbo Kandiis sa bayan ng Sumisip.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Salik Macapantar, provincial police director, kasalukuyang nangongolekta ng pautang ang mga biktima nang harangin ng tatlong mga armadong kalalakihan na sinasabing pinamumunuan ni alyas Kumander Abugaw.
Nagawa naman makatakas ng isa sa kasamahan ng dalawa na si Nasrah Mudjain.
Magugunita na nitong mga nakaraang linggo ay sunud-sunod ang kidnapping incident sa Western Mindanao partikular na sa Basilan, Sulu at Zamboanga kung saan bihag pa rin ng mga armadong grupo ang tatlong guro na sina Freirez Quizon, Jeannette delos Reyes at Rafael Mayonada na dinukot noong Enero 23 sa karagatan ng Manicahan, Sacol Island, Zamboanga City.
Maging ang tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na sina Swiss Andreas Notter, Eugenio Vagni, Italian at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba.
Noong Lunes ng hapon ay kinidnap naman ng mga bandido ang Tsinoy trader na si Dionghan Quez, hardware owner sa Jolo, Sulu. Joy Cantos
- Latest
- Trending