Lisensya ng Starmaker sinuspinde
Sinuspinde ng Philippine National Police ang lisensya ng Starmaker Fireworks Inc. na pag-aari ng isang Salvador Tan kasunod ng pagsabog ng pabrika nito na ikinasawi ng anim nang katao at ikinasugat ng 70 pa sa Trece Martires City, Cavite kamakalawa.
Sinabi pa ni PNP-Civil Security Group Chief Superintendent Ireneo Bacolod na hindi pa makakapagpatuloy ng operasyon ang Starmaker dahil nahaharap ito sa mga kasong multiple homicide, damage to property, multiple frustrated homicide at iba pang asunto.
Ayon kay CALABARZON Police Chief Supt. Perfecto Pa lad, tinatayang P25 milyon ang halaga ng mga ari-ariang napinsala sa pagsabog na nakasira rin sa kalapit na provincial capitol at isang ospital.
Kasalukuyang sinisilip ng mga awtoridad ang anggulo na aksidente ang pangyayari dahil isa umano sa trabahador ng Starmaker ay sumubok sa lakas ng ginagawa nilang paputok hanggang sa maganap ang pagsabog.
Aminado naman ang opisyal na maging ang PNP ay nagulat sa aksidente dahil isa ang Starmaker sa pinakamalaki at pinakatanyag na manufacturer sa bansa na may makabagong teknolohiya, madalas manalo sa kumpetisyon at pinakaligtas pagdating sa pamamalakad ng pagawaan ng paputok. (Joy Cantos at Cristina Timbang)
- Latest
- Trending