May kagat sa kanang dibdib at tadtad ng malalalim na pasa sa katawan nang matagpuan ang bangkay ng isang dalaga matapos na halayin muna bago paslangin ng hinihinalang textmate nito na nakilala niya sa isang programa sa radyo sa Mandaue City, Cebu kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Emily Nuñeza, nasa hustong gulang at residente ng nasabing lugar.
Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek na nakilala lamang sa alyas na Michael.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang bangkay ng biktima ay natagpuan ng mga awtoridad kamakalawa sa masukal na bahagi sa likod ng isang gasolinahan sa Reclamation area ng Mandaue City.
Batay sa isinagawang pagsusuri ni Dr. Nestor Sator, Medico Legal Officer ng Mandaue City Police, ang biktima ay maaring inabuso ng hindi lamang iisang suspek.
Sa ulat, ang bangkay ay nagtataglay ng marka mula sa lubid na itinali sa leeg at kamay nito.
Ang biktima ay huling nakitang buhay noong Enero 23 matapos na magpaalam sa kaniyang pamilya na makikipagkita umano sa kaniyang textmate na si Michael.
Sinasabing si Michael ay nakilala ng biktima sa programa ng Star-FM (Energy radio) na Wanted Pangga.
Gayunman, hindi na umano nasuri ng doktor ang kaselanan ng biktima dahil naagnas na ito.
Ayon kay City Police Office Homicide Section Chief Jorge Aninon, malaki ang posibilidad na si Michael na gumamit ng cell phone number 09223227173 ang nasa likod ng krimen matapos nitong yayaing mag-date ang biktima.