5 Trabahador patay, 70 sugatan: Pabrika ng paputok sumabog
Umaabot na sa lima habang isinusulat ito ang napaulat na bilang ng nasawi habang 70 ang sugatan sa pagsabog ng isang pabrika ng paputok sa Barangay Concho, Trece Martires City, Cavite kahapon ng umaga.
Sinabi ni Cavite Police Director Senior Superintendent Hernando Zafra na limang bangkay ang nakuha sa pagpapatuloy ng paghahalughog ng mga rescuer sa gumuhong gusali ng Starmaker Fireworks factory.
Kinilala ni Zafra ang mga nasawing sina Marlon Rodrin, Mylene Izo, Christian Panganiban, Claudillo Izo at Jr. Amparo, mga trabahador ng Starmaker Fireworks factory sa Barangay Concho.
Sa mga nasawi, dalawang bangkay lang ang nanatiling buo, ayon kay City Mayor Melencio de Sagun. Gutay-gutay naman ang bangkay ng tatlo pang biktima na isa ay babae at lalake naman ang dalawa pa.
Sinabi ng pulisya na naganap ang pagsabog sa pabrika bandang alas-10:45 ng umaga.
Sinabi ni de Sagun na, bago naganap ang pagsabog, merong sinusubukang paputok sa pabrika para sa idi-deliver na mga produkto sa isang shopping mall sa Pasay City pero pumalpak ito at nagluko.
“Ang talagang pagkakamali, yung tao nag-testing na ‘di naman dapat nag-testing sa loob ng compound,” dagdag ng alkalde.
Sinabi ni Zafra na inaasahan nilang tataas pa sa pito o mahigit pa ang bilang ng mga nasawi habang patuloy ang retrieval operation sa nagkaputul-putol na mga bangkay.
Base sa rekord, ang nasabing pabrika ay nakarehistrong pag-aari ni Mr. Salvador Tan, lisensiyado ito sa pagmamanupaktura ng paputok at may 30 hanggang 40 empleyado.
- Latest
- Trending