KIDAPAWAN CITY – Isa na namang simbahan ng Iglesia ni Cristo sa North Cotabato ang pinasabugan ng granada noong nakaraang Sabado.
Ang pagsabog ay naganap sa bayan ng Carmen, North Cotabato bandang ala-1:30 ng hapon.
Ayon kay Supt. Renato Hiso, officer-in-charge ng North Cotabato Police, wala namang naiulat na nasugatan sa pagsabog pero nawasak ang window glass ng simbahan.
Nakuha ng mga operatiba ng Explosives and Ordnance Disposal team mula sa crime scene ang safety lever at ilang fragments ng isang granada.
Posibleng inihagis ng isang naka-motorsiklong lalaki ang granada at sumabog.
Ito na ang pang-apat na pag-atake sa Iglesia ni Cristo simula Nobyembre ng taong 2008.
Noong Nov 27 at Nov 30, dalawang mga improvised explosive device ang iniwan sa harap ng simbahan ng Iglesia ni Cristo sa Kabacan.
Noong Jan 7, isang granada ang sumabog sa likurang bahagi ng simbahan ng Iglesia sa naturang ring bayan.
Nauna nang sinabi ng North Cotabato PNP na bahagi ng terror attacks ang mga pagsabog sa simbahan ng INC. (Malu Cadelina Manar)