2 holdaper dedo sa barilan
Talisay, Batangas – Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng robbery-holdup gang ang napatay habang isa nilang kasamahan ang sugatan sa pakikipagbarilan sa pulisya matapos mambiktima ng mga negosyanteng Koreano sa bayang ito kahapon ng umaga.
Kinilala ni Talisay Police Chief Inspector Raymund Gary Mayuga ang mga napatay na suspek na sina Jonnel Simbahan at Norman Gatdula na kapwa residente ng Barangay Ambulong, Tanauan City at hinihinalang miyembro ng robbery-holdup gang na kumikilos sa Southern Tagalog.
Arestado naman ang isa pang suspek matapos tamaan ng bala ng baril na si Cesar Labisto, 35, ng Victoria, Laguna, samantalang nakatakas naman ang isang nakilala lamang na alias Tet.
Ayon sa report, sakay ang dalawang Koreano sa kani lang Kia Sportage (RCY-209) at binabagtas ang highway sa Barangay Sta. Maria nang harangin sila ng mga suspek habang nakatutok ang mga baril bandang alas-4:45 ng umaga.
Dahil sa takot, bigla nalang umanong iniatras ng dalawang Koreano ang ka nilang sasakyan para takasan ang mga suspek pero nahulog ito sa kanal at tuluyang limasin ang kanilang mga personal na gamit at P6,000.00 cash ng mga holdaper bago nagsitakas.
Nakilala ang mga biktimang sina Roh Kwan Hyun, 40 at Shin Young Seob, 50, pawang mga may-ari ng Tropical Jungle Resort sa Talisay. (Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)
- Latest
- Trending