Isang biktima ng mga kidnaper ang nasagip habang limang suspek ang nadakip nang salakayin ng mga tauhan ng Laguna Police at ng National Bureau of Investigation ang kuta ng mga ito sa Barangay Sto. Niño, San Pablo City, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Laguna Provincial Police Office Director Sr. Supt. Manolito Labador ang mga naarestong suspect na sina Sarah Musline, Mancao Arid, Dominador Junior Mala-uni, Esmael Baramabaga, pawang tubong Marawi City, at Raja Moda Musline, tubong Taracan, Lanao del Sur.
Nakilala naman ang biktima na si Adjib Tiburon, 30 anyos, na kinidnap ng grupo noong Enero 2 sa Islamic Center sa Quiapo, Maynila.
Nadakip ang mga kidnapper sa entrapment operations sa safehouse ng mga ito sa Purok 2, Alcaras Subdivision sa Barangay Sto. Niño bandang alas-6:00 ng gabi nitong Huwebes.
Ayon kay Labador, ang mga suspek ay inaresto sa aktong tumatanggap ng P600,000 ransom mula sa pamilya ni Tiburon.
Narekober mula sa mga kidnapper ang isang kulay abong Toyota Corolla na may plakang TNR-721, cal. 38 at dalawang cell phones.