Pekeng bomba itinanim sa SM Baguio
Binulabog ng bomb threat ang SM mall sa Baguio City makaraang tumawag sa mga kawani ang isang misteryosong caller kaugnay sa nakatanim na apat na bomba, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Baguio City Police Office na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-9:05 ng gabi nang makatanggap ng bomb threat ang nabanggit na mall sa kahabaan ng Upper Session Road, Baguio City.
Sinabi ng misteryosong caller na apat na bomba ang itinanim sa magkakahiwalay na bahagi ng parking lot ng naturang mall na malapit nang sumabog anumang oras.
Bunga nito, ay nagsipag-panic ang mga kawani na tumawag sa mga awtoridad at ini-report ang insidente.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Baguio City Bomb and Ordnance Disposal team subali’t matapos ang ilang oras na paghahalughog ay lumitaw na negatibo ang nasabing bomb threat dahil pekeng bomba ang natagpuan sa lugar.
Nabatid na ang pekeng bomba na nakasilid sa isang bag na may tatlong maliliit na baterya at ordinaryong wire na nakabalot sa gift wrapper pero wala namang pulbura at triggering device ang narekober na inilagay sa basurahan ng naturang parking lot.
Ayon kay Amy Gonzales ng SM Monitoring and Operations Board, humihingi sa kanila ang caller ng P1.5 milyon at kung tumanggi ang mga ito ay pasasabugin ang nasabing mall.
Inihayag naman ng mga imbestigador, posibleng dating kawani ng mall na natanggal sa trabaho ang may kagagawan sa bomb threat. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending