Dalagita ginulpi ng tiyuhin, patay
Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang dalagitang 3rd year high school student makaraang patayin sa gulpi ng kanyang tiyuhin sa bayan ng Bandalan, Davao del Sur kamakalawa ng gabi.
Putok ang ulo, nagkapasa-pasa at malalalim na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Sheryl Gomez, 14, estudyante sa Bansalan National High School.
Arestado at pormal na kinasuhan ang suspek na si Manuel Densing Jr., 32, magsasaka at residente ng Sitio Tibayan sa nabanggit na bayan.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen matapos na umuwi ang suspek at pagalitan na naman ang biktima na nagmula sa pamamasyal kasama ang kaniyang mga barkada bandang alas-6:30 ng gabi.
Napag-alamang nakikitira lamang sa bahay ng tiyuhin ang biktima kung saan sa munting pagkakamali ay gulpi-sarado ang inaabot nito sa kaniyang sadistang tiyuhin.
Nabatid na muling ginulpe ng suspek ang biktima na hindi nito nilubayan hanggang sa mawalan ng malay-tao na nabagok pa ang ulo sa bato hanggang sa tuluyang mamatay.
Sa pahayag ng mga kapitbahay ng suspek, na nagmamakaawa na ang biktima sa suspek subalit hindi ito pinakinggan at hinataw pa ng matigas na bagay sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang pamangkin kaya natuluyan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending