ZAMBOANGA CITY – Isinaisantabi ng mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Phils.(CAAP) ang anggulong pananabotahe ng mga air traffic controller personnel na sinasabing nagpabaya sa kanilang tungkulin kung saan naantala ng ilang oras sa pag-landing ang tatlong eroplano noong Biyernes sa Zamboanga International Airport.
Gayon pa man, sinabi ng Zamboanga City airpot manager na si Celso Bayabos na sinibak na ang limang personnel habang iniimbestigahan naman ang ilang air traffic controller.
Tumanggi naman magbigay ng comment si Bayabos habang hinihintay ang resulta ng imbetigasyon sa nabanggit na insidente.
Subalit ayon sa ilang source sa airport, tatlo sa limang personnel sa control tower ay sinasabing absent habang ang dalawang iba pa ay na-late sa duty.
May mga ulat na ang supervisor ay sinasabing wala sa nabanggit na lungsod subalit hindi naman makumpirma ang ulat.
Ayon naman sa isa sa 46-pasahero ng Cebu Pacific flight na si Edmond Cortez, kinumpirma ng piloto na wala silang kontak sa control tower at nakikipag-ugnayan na lamang sa ibang eroplano sa ere.
“We just heard the pilot making address that they were in control and nothing to worry,” pahayag ni Cortez na isang Fil-Am medical student na nagbakasyon lamang sa bansa kasama ang kanyang nobya. (Roel Pareño )