Manager ng patubig itinumba
CAOAYAN, Ilocos Sur — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang di-pa kilalang lalaki ang isang 51-anyos na general manager ng Metro Vigan Water District sa harap ng kanyang tahanan sa Barangay Anonang Mayor, Caoayan, Ilocos Sur noong Martes. Siyam na bala ng kalibre 45 baril ang tumapos sa buhay ni Engr. Edgardo Damian.Wala naman nakakilala sa dalawang maskaradong kalalakihan na tumakas sakay ng motorsiklo na walang plaka. Ayon sa pulisya, nakikipagkuwentuhan ang biktima sa dalawang kaibigan nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril at duguang bumulagta ang opisyal.Wala pang malinaw na motibo sa pamamaslang subalit sinisilip ng pulisya ang anggulong paghihiganti na may kinalaman sa trabaho ng biktima. (Myds Supnad)
Kawani ng Petron nag-suicide
BATAAN – Nagbaril sa sarili at namatay ang isang kawani ng oil refinery sa loob ng bahay ng kamag-anakan sa Sitio Tundol sa bayan ng Limay, Bataan kamakalawa ng madaling-araw. Ang biktima na sinasabing pangunahing suspek sa pamamaril sa kanyang kum-pare at kasamahan sa trabaho ay nakilalang si Abraham Sillana, storage technician sa Petron Bataan Refinery. Sa ulat ni P/Supt. Romell Velasco, hepe ng Limay PNP, lumilitaw na nagtago ang biktima upang iwasan ang pagkakulong sa kasong pamamaril sa kanyang kumpare noong Lunes ng gabi. Ayon sa police report, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagbaril sa ulo ang biktima sa loob ng palikuran ng kamag-anak sa nabanggit na barangay. (Jonie Capalaran)
Piloto sugatan sa plane crash
Isang piloto ang iniulat na nasugatan makaraang bumagsak ang eroplanong nagsasagawa ng aerial spray sa plantasyon ng saging sa Barangay Casig, Sto. Tomas, Davao del Norte kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Capt. Procopio Daha na idineklarang nasa ligtas na kalagayan. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas – 7 ng umaga sa Banana Plantation sa Laviscase area sa Purok 5 ng nasabing lalawigan. Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nagsasagawa ng aerial spray ang eroplano na kinontrata ng Sumitomo Fruits and Company nang aksidente itong bumagsak sa gitna ng nasabing plantasyon. (Joy Cantos)
2 pulis sugatan sa paputok
Kamalasan ang sumalubong sa isang opisyal ng pulisya at isa nitong tauhan makaraang sumabog sa loob ng himpilan ng pulisya ang kanilang nakumpiskang mga paputok sa Butuan City, Agusan del Norte noong Miyerkules ng hapon . Kasalukuyang nasa MJ Santos Hospital ang mga biktimang sina P/Senior Insp. Ronaldo Plaza, hepe ng Butuan City Police Station 1 vice control section, at PO3 Eugene Capablanca. Ayon kay P/ Senior Supt. Nestor Fajura, hepe ng PRO 13, kabababa lamang ng mga kahun-kahon ng paputok na kanilang nakumpiska mula sa kanilang patrol car na ipinasok sa nasabing himpilan nang bigla itong sumabog. Dahil sa makapal na usok na likha ng malakas na pagsabog, na-trap sa loob ng tanggapan ng vice control section si Plaza na nagtamo ng mga sugat sa katawan. Nasugatan naman si Capablanca nang kanyang sagipin ang kanyang hepe, ayon kay Fajura. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending