CAMP SIMEON OLA, Legazpi City - Isang security escort ng alkalde ang pinagbababaril hanggang sa mapatay ng ‘di-pa kilalang lalaki habang ginaganap ang koronasyon ng mutya sa plaza kamakalawa ng gabi sa Barangay Dayhagan sa bayan ng Aroroy, Masbate. Nakilala ang biktima na si Dexter Gracio, 24, security escort ni Mayor Enrico Capinig. Samantala, tugis naman ng pulisya ang suspek na si Regalado “Dodong” Drio, negosyante at naninirahan sa Sitio Mahaba, Barangay Calanay ng nabanggit na bayan. Napag-alamang may ilang metro lamang si Mayor Capinig sa crime scene dahil ito ay nagbigay ng maikling pananalita matapos ang koronasyon ng mutya. Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng pamamaslang. Ed Casulla
13 patay sa flashflood
Labintatlo-katao ang kumpirmadong nasawi sa sunud-sunod na pananalasa ng flashflood sa dalawang rehiyon sa bansa, ayon sa ulat ng National Disaster Coordinating Council kahapon. Kabilang sa naapektuhan ng flashflood sanhi ng cold front ay ang Region V at Region VIII na nagdulot din ng low pressure area (LPA) sa ilang bahagi ng Luzon Sinabi ni NDCC Executive Director Glenn Rabonza, 6 sa mga nasawi ay mula sa Northern Samar, 4 sa Camarines Norte, 2 sa Eastern Samar at isa naman sa Leyte. Naitala na sa kabuuang 68, 701 pamilya (300,013 katao) ang naapektuhan ng flashflood mula sa 402 barangay at 35 na bayan. Umaabot naman sa 299 pamilya (1495 katao) ang patuloy na kinakanlong sa 10 evacuation centers. Aabot naman sa 33, 366 kabahayan ang nawasak sa Camarines Norte, Camarines Sur, Eastern Samar at Northern Samar. Ayon kay Rabonza, nasa P7.678 milyon na ang naipagkaloob na tulong ng nasyonal at lokal na pamahalaan sa mga apektado ng flashflood. Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang sinalanta ng flashflood. Joy Cantos
3 obrero inararo ng van
BATAAN – Kasalukuyang nakikipaglaban sa karit ni kamatayan ang tatlong trabahador ng lokal na sangay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) makaraang mahagip ng van sa gilid ng Roman Superhighway sa Barangay Central sa Balanga City, Bataan kamakalawa ng umaga. Ginagamot sa Bataan General Hospital ang mga bikitmang sina Joey Albert Avela, 22; Jayson delos Santos, 18; at si Jonathan Corpuz, 21, pawang naninirahan sa Barangay Cataning. Sa ulat ni PO3 John Canare na nakarating kay P/Senior Supt. Manuel Gaerlan, lumilitaw na nawalan ng kontrol sa manibela si Sagbam Sim, 66, na nagmamaneho ng Mitsubishi Delica van (XLA 319) kaya inararo ang mga biktimang naglilinis sa gilid ng highway. Sumuko naman si Sim sa mga awtoridad. Jonie Capalaran
Kagawad tinodas ng balae
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Nagwakas ang pagiging barangay kagawad ng isang 62-anyos na lalaki makaraang ratratin ng kanyang balae sa gilid ng highway sa Barangay Bungoy sa bayan ng Dolores, Quezon kamakalawa ng umaga. Napuruhan ng dalawang bala ng baril sa ulo si Rodolfo Lalunio ng Barangay Poblacion 2, Tiaong, Quezon. Base sa police report, nag-aabang ng masasakyang jeepney si Kagawad Lalunio sa nabanggit na highway nang lapitan at pagbabarilin ng suspek na si Odelon Capisanan. Sa inisyal na imbestigasyon, posibleng nagselos ang suspek na si Capisanan sa kanyang balaeng si Lalunio matapos ipamahala ng kanyang anak ang pagpapatakbo ng kanilang piggery sa bayan ng Dolores. Napag-alaman pa kay Barangay Captain Rodrigo Doromal, na sinundo pa ang suspek ng kanyang kapatid na si ret. P/General Oliver Capisanan upang itakas at maitago mula sa mga alagad ng batas. Arnell Ozaeta