Lady cop dedo sa NPA attack
BACOLOD CITY — Pinagbabaril ng mga rebeldeng New People’s Army ang pangkat ng 6th Regional Police Mobile Group na ikinasawi ng isang pulis habang apat na iba pa ang nasugatan sa naganap na pananambang sa bisinidad ng Riverside sa Victorias City, Negros Occidental kamakalawa. Si PO1 Jane Tacadao ay napuruhan sa ulo ng bala na ikinasawi nito habang sugatan sina PO1 Melanie Tupaz, PO1 Maria Fe Cantomayor, PO1 Annie Lou Patricio at si PO1 Jocelyn Tebar.
Ayon kay SPO1 Menardo Ellaga, ang mga biktimang lulan ng Toyota Hi-lux sa pamumuno ni P/Supt. Remus Zacharias Caniesco nang ambusin ng mga rebelde na nagkukubli sa plantasyon ng tubo sa barangay road sa Hacienda Mim, Brgy. Estado bandang alas-2 ng hapon.
Tumagal ng 30-minuto ang palitan ng putok ng mga rebelde at ang pangkat ng 612nd Provincial Mobile Group sa pamumuno ni P/Supt. Roderick Alba at tropa ni P/Chief Insp. Leonardo Angcon, na rumesponde para tulungan ang grupo ni Canieso.
Sinabi naman ni P/Supt. Leo Irwin Agpangan, OIC ng Bacolod City PNP, may palatandaang maraming sugatan sa panig ng NPA dahil sa nadiskubreng mga patak ng dugo sa dinaanan ng mga rebelde sa nasabing plantasyon. Narekober naman ang dalawang knapsacks na naglalaman ng personal na gamit, magazine ng M-14 assault rifle at isang rifle grenade.
Sinusuyod naman ng dalawang Huey helicopter gun ship at armored personnel carrier katuwang ang Army’s Task Group Lawin sa pamumuno ni Lt. Col. Sagat Bongolan, ang kagubatan na pinagkukutaan ng mga rebelde. (Antonieta Lopez at Joy Cantos)
- Latest
- Trending