4 dedo sa expressway

PAMPANGA - Apat-katao kabilang ang dalawang kawal ng Philippine Army ang iniulat na nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan sa naganap na road mishap sa kahabaan ng Subic Clark-Tarlac Expressway na sakop ng Barangay Manuali sa bayan ng Porac, Pampanga noong Martes ng gabi.

Sa ulat ni  P/Supt. Rolly Mendoza, hepe ng Porac PNP, kabilang sa mga nasawi ay kinilalang sina Pfc Ma­yo­lito Calaciad, Pfc Jayson Fajardo at ang mag-asawang Maria Teresita Escopete at Apolinario Bernabe.

Ginagamot naman sa St. Rafael Foundation and Medical Center sina Pfc Alex Franco at Private Lorenzo Gazzingan.

Ang mag-asawa ay sakay ng Mitsubishi Outlander na may plakang ZJK 610 na bumangga sa likurang ba­hagi ng trak ng mga sundalo ng Army’s 3rd Infantry Battalion na nakabase sa Balanga City, Bataan.

Napag-alamang pabalik na ang mga sundalo sa Balanga City mula sa himpilan ng Army’s 7th Infantry Division sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija nang ma­ganap ang aksidente.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nasawi rin sa trahedya ang mag-asawa matapos na sumalpok sa steel barrier ng expressway kung saan ang dalawang sasakyan ay bu­maliktad. (Dino Balabo at Joy Cantos)

Show comments