Sanggol dedo sa sunog
Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang sanggol na babae makaraang makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Barangay New Katipunan sa bayan ng Matan-ao, Davao del Sur kamakalawa. Nagmistulang uling ang biktimang si Irene de Acosta, 4-buwang gulang at bunsong anak ng magsasakang si Diosdado de Acosta. Kasalukuyan namang ginagamot ang nakatatanda nitong kapatid na si Dominic de Acosta, 2. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, natutulog ang pamilya de Acosta nang maalimpungatan si Diosdado na nagliliyab na ang kanilang tirahan. Nagmamadaling lumabas ng kanilang tahanan ang mag-asawang de Acosta, gayon pa man sa sobrang pagkataranta ay nakalimutan sa duyan ang sanggol at tanging si Dominic ang nailigtas. Sa inisyal na imbestigasyon, natumbang lampara ang pinagmulan ng sunog. Joy Cantos
Eroplano bumagsak, piloto ligtas
Nakaligtas sa karit ni kamatayan ang isang piloto makaraang bumagsak ang pinalilipad nitong eroplano sa Tagum City, Davao del Norte kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Dario Gunabe, ang nakaligtas na piloto na si Anselmo Pascual. Base sa ulat na nakarating sa Camp Crame, pinalilipad ni Pascual ang Cessna RPR 2756 aircraft sprayer na pag-aari ng Sumipro nang magloko ang makina bandang alas-6:30 ng umaga. Ang nasabing eroplano ay bumagsak may 50 metro ang layo sa runway park ng Lemonsito Mankilam ng nasabing lungsod. Napag-alamang nawasak ang isang inabandonang bahay at hindi nasugatan ang pilotong si Pascual. Joy Cantos
- Latest
- Trending