51 police trainees ginulpi sa kampo
Nasa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang ilang instructor at trainor sa 6th Regional Mobile Group headquarters makaraang ireklamo ng 51 bagitong pulis na sumasailalim sa counter-insurgency training na dumanas ng matinding hazing sa Camp Aniceto Lacson sa Victorias City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Remus Canieso, commander ng 6th Police Regional Mobile Group, karamihan sa mga police trainee ay nagka-hematoma sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ang iba pa ay nagkaroon ng depekto sa kalusugan habang sumasailalim sa pagsasanay.
“This is not a normal practice of the PNP that is why we have laws against these practices, we are placing our instructors under investigation. In fact, they were already restricted to camp,” ayon sa opisyal.
Kasalukuyang hinihintay ang resulta ng medical test ng mga biktima mula sa Teresita Jalandoni Memorial Hospital kung saan nagreklamo sa pahirap ng kanilang mga instructor hinggil sa kontrobersyal na hazing.
Napag-alamang Ilang trainee ay huminto na matapos na mabalian ng mga buto sa grabeng pahirap na inaabot mula sa mga abusado at hindi makatao nilang mga instructor habang sumasailalim sa pagsasanay.
Sinasabing pinapalo sila ng PVC pipes at malalaking kahoy sa iba’t ibang parte ng katawan.
Magugunita na noong Oktubre 2008 ay nasawi sa routine exercise sa labas ng nasabing kampo si PO1 Tristan Lopez kung saan pinaiimbestigahan ni P/Chief Supt. Isagani Cuevas.
Binigyang diin ni Cuevas na sasampahan nila ng kasong kriminal ang nasabing mga police instructor kapag mapatunayang may kapalpakan sa pagsasanay sa mga police trainee. Joy Cantos
- Latest
- Trending