CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tatlo-katao ang iniulat na napatay kabilang na ang isang barangay councilor at barangay tanod makaraang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa harap ng barangay hall sa Calamba City, Laguna noong Sabado ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Christopher Tambungan, hepe ng pulisya sa Calamba City, ang mga napatay na sina Councilor Armando Ramos, 49, ng Barangay San Cristobal; hepe ng brgy. tanod na si Alfred Alinsunuren, 33 at si Levi Adolfo.
Ayon sa report, nagbabantay si Alinsunuren sa San Cristobal Barangay Hall kasama si PO1 Alvin Manguiat nang maganap ang shootout bandang alas-6:30 ng gabi.
Sa salaysay ni PO1 Manguit, dumating si Adolfo sa barangay hall na hinahanap si Alinsunuren at nang makita ay bigla itong pinagbabaril.
Napilitang gumanti ng putok ng baril si PO1 Manguiat at napatay naman si Adolfo.
Nang marinig ang putukan, mabilis namang rumesponde si Ramos na sakay ng barangay patrol pero pinagbabaril din ito ng mga armadong kalalakihan na kasamahan ni Adolfo na nakapuwesto malapit sa barangay hall.
Samantala, tumakas naman ang mga ‘di-pa kilalang kalalakihan na sakay ng Tamaraw FX matapos ang pamamaril.
Nakarekober ng pekeng ID ng pulis mula kay Adolfo at ilang basyo ng bala ng baril sa crime scene.
Inaalam pa rin ng mga imbestigador ang motibo ng krimen. (Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)