CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tatlong mag-uutol na bata na napaulat na nawawala ang natagpuang lulutang-lutang sa ilog na sakop ng Barangay Olaes sa bayan ng General Mariano Alvarez, Cavite kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Hernando Zafra, Cavite police director, ang mga biktimang sina Jun-Jun Moyco, 11; Daisyree,10 at si Ernesto, 9, pawang mga residente ng Block 18 Lot 24 sa Barangay Salud, GMA, Cavite.
Base sa police report, nagtungo ang mga magulang ng bata sa himpilan ng pulisya noong Huwebes ng Oktubre16 para ipa-police blotter na nawawala ang kanilang tatlong anak matapos hindi na nakabalik nang lumabas lamang ng kanilang bahay para maglaro.
Makaraan ang tatlong araw, natagpuan ang mga labi ng mag-uutol na Moyco na nasa advanced stage of decomposition habang nakalutang sa ilog bandang alas-9 ng umaga.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng pulisya kung ano ang naging dahilan ng pagkamatay ng tatlo habang sumasailalim sa autopsy sa Queen of Heaven Funeral Homes.
“Iniimbestigahan pa namin kung may foul play sa nasabing insidente at aalamin pa kung papaano sila napunta sa ilog na yon,” pahayag ni desk officer PO3 Chavez. (Arnell Ozaeta)