PASG, CAMPI vs smuggler ng imported cars
SUBIC BAY FREEPORT- Magtutulungan ang pamunuan ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) at ang Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) upang masugpo ang talamak na smuggling ng imported luxury cars sa bansa.
Sa nilagdaang Memorandum of Agreement, layuning protektahan ang interes ng automotive industry na lubhang tinamaan ng malaking pinsala dahil sa iligal na pagpasok ng iba’t ibang uri ng mamahaling sasakyan.
Batay sa nilagdaang kasunduan, magpapalitan ng impormasyon ang PASG at CAMPI hinggil sa mga hinihinalang sasakyang naipuslit at magtutulungan din sa pagpaplano ng mga anti-smuggling operations.
Magbubuo din ang CAMPI ng team of experts na tutulong sa PASG sa mga teknikalidad sa pagsusuri sa mga marerekober na smuggled vehicle.
“Wala na akong nakita pang rason para di-masugpo ang aktibidades ng mga ismagler lalo na ngayon na may kakampi na kami,” pahayag ni Usec. Antonio “Bebot” Villar Jr., hepe ng PASG.
Sa panig naman ni CAMPI President Elizabeth H. Lee, ang kanilang industriya ay nakakuha ng kaalyado na magpoprotekta sa interes ng local car industry at pati na rin sa pamahalaan. Alex Galang
- Latest
- Trending