Sulyap Balita

16 kabahayan sinunog ng MILF

Muling naghasik ng terorismo ang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) makaraang sumalakay at manunog ng 16 kabahayan, isang health center at daycare center sa liblib na Barangay Dagungan sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao kamakalawa ng gabi. Batay sa ulat ng regional Army command, kinilala ang mga umatakeng MILF na mula sa grupo nina Commanders Musa Wahab at Basit Usman na kapwa miyembro ng 105th Base Command sa ilalim ng pamumuno ni Commander Ameril Umbra Kato. Si Kato ay may patong na P10 milyon sa paghahasik ng lagim sa 15 barangay sa North Cotabato noong unang bahagi ng Agosto 2008. Kaugnay nito, tinukoy naman ni P/Senior Supt. Ismael Ali, Shariff Kabunsuan police director, na ang henchman ni Kato na si Kumander Rambo II, ang utak sa pagdukot sa may-ari ng beach resort na si Jesus Perfecto Martinez noong Sept. 10. Napag-alamang pinalaya si Martinez na sinasabing nagbayad ng P.3 milyon ransom. (Joy Cantos)

Holdaper utas sa shootout

KIDAPAWAN CITY – Isa sa tatlong lalaki na pinanini­walaang notoryus na holdaper ang nanloob sa public market ang iniulat na napatay makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa bayan ng Pikit, Norh Cotabato, noong Linggo ng hapon. Kinilala ni P/Senior Insp. Elias Dandan, ang napatay na si Datumama Adam, 23, ng Barangay Rajamuda, Pikit. Ayon kay Dandan, bandang ala-una kahapon, nilooban ang tindahan na pag-aari ni Loida Provido na nasa public market. Nagkataong namang may mga nagpapatrolyang market guard at pulis kaya natunugan ang pagnanakaw. Agad nagsagawa ng follow-up operation ang Pikit PNP, sa pangunguna ni Dandan, hanggang sa makarating sila sa boundary ng Barangay Poblacion at ng Gli-gli. Dito nila nasukol ang mga holdaper, subalit tumangging sumuko kaya nagkaputukan ng baril at napatay si Adam. Dalawa sa mga kasama ni Adam na may bitbit ng cash na ninakaw ay nakatakas patungo sa swampy area ng Barangay Rajamuda habang narekober naman ang pulang motorsiklo (KL 2612) na ginamit ng mga suspek sa pagtakas. (Malu Manar)

Mindoro calamity fund pinarerepaso

Pinarerepaso at muling pinasisiyasat ni Orental Mindoro Rep. Rodolfo G. Valencia sa Sandiganbayan ang graft case na kinasasangkutan ng P2.5 milyong calamity loan fund na iginawad ng pamahalaan ng Mindoro sa isang pribadong boat owner may 14-taon na ang nakalipas. Matapos mabatid ang salungat na desisyon ng Sandiganbayan, nagtalumpati si Valencia sa plenary session ng Kongreso. Sinabi niya na dapat mag-ingat ang mga korte sa paggawad ng desisyon para hindi madawit ang mga walang kasalanan. Si Valencia ay nagpakita sa kanyang mga kasama ng Presidential Proclamataion No. 306 na inisyu ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1993 na nagdedeklara ng state of calamity sa Oriental Mindoro bilang resulta ng sunud-sunod na kalamidad na humambalos sa nasabing lalawigan. Kabilang na ang mga dokumento at manipesto bilang ebidensya na magpapatibay sa makatao at opisyal na inisyatiba na kanyang isinagawa bilang gobernador sa mga panahong iyon. “Hindi dapat ituring na basehan ang procedural legal oversight ng mga abogado sa pagdedesisyon sa mga kaso,” pahayag pa ni Valencia.

Ama inutas sa harap ng 2 anak

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang 54-anyos na ex-barangay chairman ang pinagbabaril ng dalawang di-pa kilalang lalaki sa harap mismo ng mga bata sa bayan ng Calaca, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Chief Inspector Gerson Bisayas, Calaca police chief, ang biktimang si Nicasio Bitang ng Barangay Matipoc. Base sa police report, minamaneho ni Bitang ang school service na Mitsu­bishi Canter (DRU-184) para maghatid sana ng mga estudyante ng Dacanlao National Highschool nang tabihan at ratratin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo sa highway ng Barangay Dacanlao ban­dang alas-6 ng umaga  naitakbo pa si Bitang sa Madonna General Hospital sa Balayan subalit idineklarang patay ilang saglit lang matapos magtamo ng mga tama ng bala ng sa kanyang ulo at katawan. Wala namang nasaktan sa mga batang sakay ng school service kabilang na ang mga anak ni Bitang na sina Mary Grace, 16; at Jhunel, 12 na pawang nakaupo malapit sa kanilang ama. Inaalam pa rin ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng pamamaslang. (Arnell Ozaeta)

Show comments