15 pulis sinibak, kinasuhan
LA TRINIDAD, Benguet — Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin at makasuhan ang labinlimang pulis kabilang na ang kanilang hepe matapos na sumabit sa pagkawala ng 60 bricks ng marijuana na kanilang nasamsam noong Pebrero sa bayan ng Kapangan.
Kabilang sa mga pulis na kinasuhan sa pagkawala ng 60 bricks ng marijuana mula sa 100 bricks na nasamsam sa operasyon ay sina P/Senior Insp. Bernardo Capela, police chief; SPO1 Melvin Cante, P03 Wilfred Kamfoli, P01 Julius Luis na pawang nahaharap sa mas mabigat na kasong administratibo habang sina SP01 Melis Pi-ay, SP02 Santos Valentin, SP01 Jonathan Meris, SP01 Jesse Asiong, SP01 Leonardo Buya, P03 Grant Balagsa, P03 Depayso Mondero, P03 Jueves Saltin, P02 Wilson Amoy, P02 Mark Guzman, at si P01 Lacton Legaspi ay nahaharap sa lesser offenses.
Ayon sa ulat, ang 15-pulis kabilang na ang nakumpiskahan ng saku-sakong marijuana na si Robert Balluda ay kinasuhan na sa Benguet Prosecutor’s Office.
Matatandaan na noong Agosto 22, isang sibilyang testigo ang lumutang sa isinasagawang imbestigasyon nina Cordillera police director Chief Supt. Eugene Martin at Benguet police director Senior Supt. Danilo Pelisco.
Lumilitaw sa testimonya ng mga opisyal ng pulis na nakaalam sa pagkawala ng mga brick ng marijuana na sangkot din si P/Senior Insp. Capela at kanyang mga tauhan.
Pinabulaanan naman ni Capela at mga tauhan nito na sangkot sila sa nawawalang kontrabando.
Aabot sa 15 kilong marijuana bricks ang natagpuan ng pulis-Benguet noong Agosto 26 na ibinaon sa forested area sa Sitio Lomon, Barangay Paykek sa bayan ng Kapangan. Samantala, anim naman kilong pinatuyong dahon ng marijuana ay nahukay sa puno ng saging.
Ang mga pulis na sangkot kabilang na si Capela ay walang lugar sa police organization at kailangan sibakin at patawan ng kaukulang parusa,” pahayag pa ni P/Chief Supt. Martin. Dagdag ulat ni Myds Supnad
- Latest
- Trending